Napaulat na kakulangan ng construction workers sa bansa, pinabulaanan

Tiniyak ngayon ng pamahalaan na sapat at walang kakulangan ang bansa ng mga construction worker.

Ito ang garantiya ni Build, build, build project chairman Anna Mae Lamentillo, sa harap ng kabi-kabilang infrastructure projects ng Administrasyong Duterte.

Ayon kay Lamentillo, walang problema ang bansa kung manpower ng mga construction worker ang pag-uusapan at sa katunayan, may mga OFW na ngang nagsiuwian para magtrabaho sa build, build, build project ng pamahalaan.

Sinabi ni Lamentillo, na dapat mai-qualify ang una ng napaulat na umano’y kakulangan ng mga manggagawang Pinoy para sa larangan ng konstruksyon.

Kung ang tinutukoy aniya ay mga Pinoy worker na may kakayahan para makapag-operate ng makabagong machine o equipment na ginagamit sa inter-island construction projects, kulang talaga ayon kay Lamentillo.

Pero kung ang pag-uusapan aniya ay labor force, meron at sapat aniya ito upang matugunan ang bilang ng mga trabahador para sa build, build, build. | ulat ni Alvin Baltazar