Nanalong kapitan ng barangay sa Davao del Sur, patay sa pamamaril

Patay ang nanalong kapitan ng Barangay Guihing Davao del Sur matapos pagbabarilin ng isang di pa nakikilalang lalaki alas otso y medya ng gabi kahapon, Lunes, Mayo 28 sa Guihing National Highway.

Batay sa incident report na ipinadala ng Police Regional Office (PRO XI), kinilala ang biktima na si Cecilio C. Ordaneza, ang kasalukuyang barangay chairman ng Barangay Guihing, Hagonoy, Davao del Sur.

Binaril ng suspek ang biktima gamit ang di pa matukoy na kalibre ng baril habang ito’y papauwi sa kanilang bahay sakay ng kanyang kulay pulang Hyundai Eon malapit sa Crossing Gemvill.

Nagtamo ang biktima ng mga tama ng baril sa kanyang katawan na dahilan ng agarang pagkamatay nito.

Inaalam pa ngayon ng Police Hagonoy ang motibo ng pamamaril. | ulat ni Dang Sabdani-Jumala