Nakumpiskang smuggled rice, hiniling ng isang mambabatas na i-donate na lang sa NFA

Umapela ngayon si AGRI Partylist Rep. Orestes Salon kay Pangulong Rodrigo Duterte na maglabas na ng isang executive order upang ipag-utos ang pagdonate ng nakumpiskang higit sa 1,300 metric tons ng smuggled rice sa National Food Authority.

Sinang-ayunan ng mambabatas ang naunang pahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque na posibleng hayaan na lang ang NFA na ibenta ito sa mas murang halaga, para na rin madagdagan ang buffer stock ng ahensya.

Katwiran ni Salon, makikinabang sa tinatayang 27,000 sako ng Vietnam rice ang mga mahihirap na pamilyang umaasa sa subsidized rice.

Kasunod niyan ay inirekomenda ng mambabatas ang pagkakaroon ng isang monitoring system upang masigurong hindi sasamantalahin ng mga traders ang naturang smuggled rice, at ihalo ito sa mga ibinebentang commercial rice.

Nito lamang April 14 nang masamsam ng Philippine Navy, partikular ng Naval Forces Western Mindanao mula sa isang foreign cargo vessel sa karagatan ng Zamboanga, Sibugay ang libu-libong sako ng Vietnam rice na may estimated value na P67M. | via Merry Ann Bastasa