Nakuhang mataas na net satisfaction rating ng Team Duterte, hindi dahilan para mag-relax – Palasyo

Hindi dapat magpakampante ang team ng administrasyon sa kabila ng mataas na net satisfaction rating na nakuha ng mga miyembro ng gabinete batay na rin sa pinakahuling survey na isinagawa ng Social Weather Station (SWS).

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, hindi dahilan ang +32 net satisfaction rating na nakuha nitong September 2018 para mag-relax ang mga miyembro ng gabinete.

Sinabi ni Panelo na dapat gawing barometro ang pinakabagong survey ng SWS, upang mas maging masigasig pa ang mga miyembro ng gabinete at mas lalo pa silang magtrabaho.

Bagamat ikinatutuwa ito ni Pangulong Rodrigo Duterte, binigyang diin ni Panelo na dapat din nila itong ituring na hamon upang mapanatiling kuntento ang taong bayan sa kanilang pagseserbisyo.

Isinagawa ang survey sa kainitan ng naitalang 6.7% inflation rate, na isang kahayagan din aniya na kinikilala ng mayorya ang pagsisikap ng gobyerno para mapababa ang presyo ng mga pangunahing bilihin sa merkado.  | ulat ni Alvin Baltazar