Nakabaon na bigas na kinikil ng NPA sa mga maralitang magsasaka, nadiskubre ng Philippine Army sa Bukidnon

Nadiskubre ng Special Forces Battalion ng 403 Infantry Brigade ng Philippine Army ang nakabaon na sako-sakong bigas ng New People’s Army (NPA) sa Sitio Mahusay, Brgy. Dominorog, Talakag, Bukidnon nitong Miyerkules.

Ayon kay Captain Norman Tagros, tagapagsalita ng 403 Infantry Brigade, ang 15 sakong bigas na nakasilid sa 45 plastic containers ay mula sa pangingikil ng NPA sa mga maralitang magsasaka sa lugar.

Ayon kay Tagros, nagsagawa ng operasyon ang militar matapos na magreklamo ang mga magsasaka na pinipilit sila ng NPA na magdala ng bigas at supplies sa bundok na ipinababaon sa kanila sa lupa sa mga plastic containers.

Bukod dito aniya, inireklamo din ng mga magsasaka ang pangha-harass sa kanila ng NPA na lumaban sa pamahalaan bilang mga miyembro ng “Militia ng Bayan”.

Kinondena naman ni 403rd Infantry Brigade Commander Brigadier Gen. Eric Vinoya ang pagnanakaw ng pagkain ng NPA mula sa mga halos wala na ngang makain na magsasaka.

Hinimok ni Brig. Gen. Vinoya ang mga komunidad sa lugar na patuloy na makipagtulungan sa militar para matigil na ang pang-aapi ng NPA sa mga walang kalaban-laban na sibilyan. | ulat ni Leo Sarne