Naitatalang Dengue cases sa bansa, bumababa

Bumababa ang naitatalang kaso ng Dengue sa bansa, kasunod na rin ng pananatili ng publiko sa kanilang mga tahanan, at palagiang paglilinis sa katawan laban sa COVID-19 pandemic.

Sa briefing ng Laging Handa, sinabi ni Dr. Ailene Espiritu ng Department of Health (DOH) Disease Prevention and Control Bureau, na simula January 1 hanggang June 15, 2021, nakapagtala ang ahensya ng 27,930 Dengue cases sa buong bansa.

Ang bilang na ito aniya ay 48 percent na mas mababa kumpara sa datos noong nakalipas na taon.

Aniya, nakapagtala din ng 104 na mga nasawi dahil sa Dengue. Kumpara noong kaparehong panahon noong 2020, ay mas mababa ito ng 43 percent.

Lumalabas rin aniya sa datos, na ang Central Luzon ang may pinakamataas na Dengue cases sa bansa o katumbas ng 8,925 na mga kaso.

Sinundan iyan ng CALABARZON na mayroong 3,111 cases at Ilocos Region na may 2,910 cases.