Naitalang high-profile killings, posibleng bahagi ng tangkang pababain ang tiwala ng taumbayan kay Pres. Duterte

Hindi inaalis ng Malacañang ang posibilidad na ang magkakasunod na high-profile killings sa bansa ay bahagi ng tangkang mawala ang tiwala ng publiko kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, batid naman ng lahat na ang paglaban sa krimen ang isa sa mga krusada ng kasalukuyang administrasyon.

Sa kabilang dako’y itinanggi din ni Roque ang pahayag ni  Akbayan Representative Tom Villarin na mamamayagpag ngayon ang ‘culture of impunity’ sa bansa.

Giit ng kalihim, kailanman ay hindi nila kinukunsinti ang ‘state-sponsored killing’ at patuloy na ipinatutupad ang rule of law.

Sa kabila nito, hindi umano patitinag ang pamahalaan sa pagbibigay-seguridad at katahimikan sa bawat pamayanan.

Sa ngayon ayon kay Roque, pinagsusumikapan ng Philippine National Police (PNP) na matukoy at mahuli ang mga salarin sa pagpatay kay Mayor Halili ng Tanauan City at Mayor Bote ng Gen. Tinio, Nueva Ecija. | ulat ni Alvin Baltazar