Naitalang contraction sa GDP, nangangahulugang tapos na ang posibleng pinakamalalang sitwasyon sa ekonomiya dahil sa COVID-19

Ikinalungkot ng Palasyo ang ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) kung saan lumalabas na nasa -11.5% ang contraction ng Gross Domestic Product (GDP) ng Pilipinas para sa ikatlong quarter ng 2020.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, bunsod pa rin ito ng isinagawang lockdown sa kasagsagan ng COVID pandemic.

Gayunpman ayon sa kalihim, maituturing na aniya itong improvement kung ikukumpara sa -16.9% na naitala noong 2nd quarter ng taong kasalukuyan.

Nangangahulugan lamang aniya ito na tapos na ang pinakamalalang sitwasyon na maaaring mangyari sa ekonomiya, dahil unti-unti nang nagbabalik ang mga negosyo at dahan-dahan nang nagbubukas ang ekonomiya ng bansa.

“So bahagyang umangat na po ang ating ekonomiya, nagpapatunay po that the worst is over.  Pero kaya naman po nangyari ito, kasi nga po nag-MECQ na naman tayo sa Metro Manila at ilang mga probinsiya sa CALABARZON at dito po nanggagaling talaga ang 60% ng ating GDP.” pahayag ni Secretary Roque.

Umaasa ang Palasyo na makababawi na ang ekonomiya ng Pilipinas sa mga susunod na buwan dahil sa mga intervention na ginagawa ng pamahalaan.

“So ang mensahe po natin, nandiyan pa po si COVID, pero alam na po natin kung paano maiiwasan si COVID. Kinakailangan lang po talagang buksan ang ekonomiya, pero kinakailangan po mask, hugas, iwas.” Ani Secretary Roque.