NAIA, isang terminal na lamang ang pagaganahin

Iisang terminal na lamang ng Ninoy Aquino International Airport ang magiging operational simula sa Sabado ng hatinggabi.

Parami na kasi nang parami ang bilang ng mga air carriers na nagsususpinde ng operasyon dulot ng COVID-19.

Sa isang statement, sinabi ng Manila International Airport Authority na sa terminal 1 na mag-o-operate ang natitirang airline companies simula alas-dose ng hatinggabi sa March 28.

Ito ay ang Gulf Air, Korean Airlines, Asiana Airlines, China Airlines, Hong Kong Air, Eva Air, Japan Airlines, All Nippon Airways, Cathay Pacific, Qatar Airways, Royal Brunei at Singapore Airlines.

Simula ngayong araw ay tigil-operasyon muna ang Oman Air, bukas naman ang Jeju Air habang ang Singapore Airlines at Royal Brunei ay wala nang biyahe simula sa March 29, araw ng Linggo.

Ginawa ni MIAA General Manager Ed Monreal ang pahayag kasunod ng konsultasyon sa Airline Operators Council at batay sa kautusan ni Transportation Secretary Arthur Tugade upang kahit paano ay maprotektahan ang airport workers laban sa COVID-19 kahit tuloy ang operasyon.

Una nang isinara ng MIAA ang NaIA Terminals 4, Terminal 2 domestic wing at Terminal 3 domestic matapos ipatupad ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases ang ban sa domestic air travel.

Samantala, simula ngayong araw ay suspendido na ang international flight operations ng Philippine Airlines maliban sa dalawang natirirang biyahe mula San Francisco at Los Angeles na nakatakdang lumipad pabalik ng Maynila bukas.