Nagpapanggap na may sakit para mabakunahan vs. COVID, may parusa — DOH

Nagbabala ang Department of Health (DOH) ukol sa posibleng parusa laban sa mga indibidwal, na nagsisinungaling o namemeke ng comorbidities o sakit para sila ang mabakunahan kontra COVID-19.

Ayon kay Health Undersecretary Ma. Rosario Vergeire, nakarating na sa DOH ang mga ulat, na may mga taong nagsisinungaling at nagsasabing sila ay pasok sa A3 category o mga may comorbidities, para agad na maturukan ng bakuna.

Pero paalala ni Vergeire, may ilang mga batas na nagpapataw ng parusa laban sa mga taong mapapatunayang namemeke ng dokumento upang mabakunahan.

Giit ng tagapagsalita ng DOH, ginagawan ng paraan ng pamahalaan upang ang lahat ng mga tao ay mabakunahan.

Sa ngayon, inuuna muna ang mga vulnerable at kung hindi pa kasama sa listahan ng mga prayoridad, ay maghintay muna sa takdang panahon at hindi kailangang magsinungaling na sila ay may comorbidities.

Tiniyak naman ni Vergeire, na sa vaccination sites ay patuloy at paiigtingin pa ang ginagawang screening, upang mapatunayan kung tunay bang may comorbidities o sakit ang babakunahan, base sa kanilang medical certificate o laboratory documents.