Nabakunahan sa Pateros mahigit 10% pa lang, dahil sa vaccine preference

Aminado ang Lokal na Pamahalaan ng Pateros na nahihirapan silang kumbinsihin ang mga residente, na magpabakuna kontra COVID-19 dahil sa pamimili ng brand na gusto nila.

Ayon kay Pateros Mayor Miguel Ponce, bago pa man maglabas ng direktiba ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa local government units (LGUs), na huwag nang banggitin ang brand ng bakuna bago magtungo sa vaccination site ay problema na nila ang isyu sa vaccine hesitancy.

Sa katunayan, may pagkakataon aniya na marami ang dumarating sa inoculation site kapag ang mas pinapaborang brand ng bakuna ang itinuturok.

Sinabi ni Ponce, na sa ngayon ay nasa 13 percent pa lamang ng target population ang nababakunahan sa bayan.

Gayunman, patuloy na nagsusumikap ang municipal government upang hikayatin ang mamamayan na tanggapin ang available na bakuna.

Bukod sa na-administer na mahigit 1,000 doses ng Pfizer vaccine, may suplay din ng Sinovac at AstraZeneca ang LGU.