Naaksidenteng bus ng Dimple Star Transport sa Occidental Mindoro nitong Marso, nabili lang umano sa ‘junkshop’

Sa isinagawang pagdinig ngayong araw ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), inamin mismo ng may-ari ng Dimple Star Transport na nabili lang umano sa ‘junkshop’ ang bus ng kumpanya na naaksidente nitong Marso sa Occidental Mindoro, na ikinasawi ng labong siyam (19) na pasahero.

Ayon kay Hilbert Napat, chop-chop lang ang bus, at saka inayos at kinondisyon ang makina, pininturahan at pinagmukhang bago.

Taong 2009 pa raw nagsimulang bumiyahe ang bus na may plakang TYU-708, matapos na aprubahan ito ng Land Transportation Office (LTO) na muling makapasada.

Isinisi pa ni Napat sa dagat ang mabilis na pagkasira ng kanilang mga bus units, dahil sa araw-araw itong isinasakay sa RoRo para sa kanilang biyahe pa-Visayas.

Kaugnay nito, ikinagulat naman ni LTFRB Chairman Martin Delgra ang rebelasyon ng may-ari ng kumpanya, na pinatibay lamang aniya ang kahalagahan ng pagsusulong ng gobyerno sa modernisasyon ng mga pampublikong sasakyan.

Samantala, iginiit ng regulatory agency na mananatili ang suspensyon laban sa bus company hangga’t hindi ito nakakasunod sa mga panuntunan kabilang ang road worthiness test, seminar at drug testing sa kanilang mga tsuper at konduktor.

Itinakda naman ng ahensya sa May 30 ang susunod na pagdinig sa kinasangkutang aksidente ng Dimple Star Transport. | via Shane Juan