MWSS, namahagi ng gamit pang-eskwela sa ilang paaralan sa elementarya at sekondarya

Habang papalapit ang pasukan ng klase sa Hunyo, ilang paaralan sa elementarya at sekondarya ang binigyan ng kagamitan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System o MWSS.
 
Ayon kay MWSS Administrator Reynaldo Velasco, ginawa ito ng MWSS upang masuportahan ang mga less privileged schools na malapit sa kanilang service area.
 
Kabilang sa mga binigyan ng may 80 lamesa at 60 upuan ay ang Lagro Elementary at High School, San Rafael Elementary School sa Rodriguez, Rizal at Ipo Elementary School sa Norzagaray, Bulacan.
 
Tiniyak pa ni Velasco na may tatlo pang paaralan ang makakaasa ng tulong mula sa kanilang tanggapan at makakatanggap ng mga kahalintulad na kagamitan.
 
Ito ay ang Casili, Malanday at Catmon Elementary Schools sa Marikina at Rodriguez sa lalawigan ng Rizal.
 
Aniya, ang MWSS, bukod sa pagiging water agency ng Metro Manila, ay patuloy na nagsisikap na suportahan ang mga nasasakupan nito sa ibang mga paraan, bilang kontribusyon nito sa lipunan sa pangalan ng corporate social responsibility. | Ulat ni Rey Ferrer