Muslim Islamic Cemetery, binuksan na

Pinangunahan ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso ang pagpapasinaya sa libingan ng mga pumapanaw na kapatirang Muslim kaninang umaga sa Manila South Cemetery.

Tinawag na Muslim Islamic Cemetery, sinabi ni Manila Mayor Isko Moreno na ang pagtatayo ng libingan ay katuparan ng binitawang pangako sa yumaong si Ghadzali Jaafar, na nakausap niya noong wala pa siya sa pamahalaan na sakaling siya ay maging Alkalde ng Maynila ay paglalaanan niya ng libingan ang mga yumayaong Muslim.

Magsisilbi aniyang paalala ito sa mga susunod na henerasyon ng mga Filipino na mayroon nang lugar para sa mga Muslim sa Lungsod ng Maynila

Binanggit din ng alkalde ang mga unang mamamayan sa Maynila at mga nagtanggol gaya nina Raja Sulayman, Raja Bago, Lakandula, at iba pa.

Sinabi rin ng alkalde na nakikita niya ang paghihirap na dinaranas ng mga pamilyang Muslim na namamatayan ng mga kaanak na hindi malaman kung saan ililibing lalo na aniya at yaong mga walang pera.

Pinaalala ng alkalde na ibukas ang libingan sa lahat ng Muslim, gawin ang tamang pangangalaga, kung saan maaari silang manalangin.

Ang pagbubukas ng makasaysayang Muslim Islamic ay sinaksihan ng mga ambassador at miyembro ng Muslim diplomatic community.