Murder at 2 counts of attempted murder, isasampa ng pulisya sa mga suspek sa pagpatay sa guro sa Albay

Inihahanda na ng Philippine National Police (PNP) Pio Duran ang pagsampa ng kasong murder at 2 counts of attempted murder sa “prime suspect” sa pagpatay sa gurong si  Mylene Durante y Veras, 23 taong gulang may asawa ng Polangui, Albay.

Sinabi ni Police Chief Inspector Maria Luisa Calubaquib, tagapagsalita ng PNP Bicol,  ang guro ay nagtamo ng maraming saksak sa katawan at nakuha ang bangkay 30 metro ang layo mula sa principal’s office na kanyang naging tulugan sa higit dalawang taon.

Ang dalawang batang nadamay na nagtamo rin ng mga saksak sa katawan ay nakalabas na sa pagamutan at sasailalim sa post traumatic counseling.

Ang suspek ay itinurn-over sa Municipal Social Work Office sa lugar habang dinidinig ang kaso.

Ayon kay Bicol Department of Social Welfare and Development (DSWD) Regional Director Arnel Garcia, mahaba ang proseso ng pangyayari, magkakaroon ng “discernment” sa kaso sa tulong ng otoridad at social worker, habang ang menor de edad na suspek ay sasailalim sa protective custody.

Sa ganitong kaso, anuman ang sentensiya sa bata, ito ay nakadepende sa korte, at sa oras na ilabas ng korte ang desisyon, ang menor de edad na salarin ay dadalhin sa Regional Rehabilitation Center for Youth sa  Sorsogon. | ulat ni Nancy Mediavillo