Murang bigas mabibili na sa mga pamilihan sa Metro Manila sa susunod na linggo ayon sa NFA

Tiniyak ng National Food Authority (NFA) na simula sa susunod na linggo ay makakaasa na ang consumers na mayroon ng murang bigas na mabibili sa merkado.

Ayon kay NFA Spokesperson Rex Estoperez, madedeliber na sa linggong ito ang commitment na tatlong daang libong (300,000) sako ng bigas ng mga rice traders na nakapulong kamakailan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ang gagawin aniyang distribusyon dito ay padadaanin sa mga retailers sa mga palengke sa Metro Manila.

Ito ay maibebenta sa presyong P39 kada kilo, mas mura kung ihahambing sa mga panindang commercial rice na naglalaro ngayon sa P40 hanggang P60 ang presyo.

Sinabi pa ng opisyal na pag-uusapan na rin bukas ang tinatawag na Terms of Reference ng aangkating 250,000 MT na bigas nula sa Vietnam at Thailand sa ilalim ng government private scheme.

Ang unang shipment ay inaasahang darating sa huling bahagi ng Mayo. | via Shane Juan