Muntinlupa officials at employees, lumahok sa pilot rollout ng nat’l ID system

Tinatayang 600 empleyado at elected officials ng Muntinlupa City Government, ang nagparehistro sa pilot rollout ng National ID System.

Pinangunahan ni Muntinlupa City Mayor Jaime Fresnedi, ang pilot registration ng Philippine Identification System o PhilSys sa Muntinlupa Sports Center.

Tatlong hakbang ang pinagdaanan ng mga kalahok sa registration, na kinabibilangan ng demographic data, validation at pagkuha ng biometric information, at issuance ng physical ID card na naglalaman ng 12-digit personal serial number at 16-digit PhilSys card number.

Tiniyak ni Fresnedi ang pagbibigay ng logistical support, sa sandaling ikasa na ang national ID registration sa general public.

Target din ng city government na mag-set up ng registration centers sa mga mall.

Layon ng national ID system, na gawing simple ang public at private transactions at magsisilbing social at economic platform, na magtataguyod ng mabilis na social at financial service delivery.