Muntinlupa LGU, iginiit na walang special treatment sa vaccination ng pamilya ni Aga Muhlach

Dumepensa ang lokal na pamahalaan ng Muntinlupa sa pagpapabakuna ng pamilya ng aktor na si Aga Muhlach kontra COVID-19.

May mga netizen kasi na kumuwestyon sa umano’y special treatment dahil mabilis na nabakunahan ang mag-asawang Aga at Charlene Gonzales pati na ang dalawa nilang anak noong June 1 kahit may sinusunod na prioritization list.

Ayon kay Muntinlupa Public Information Office Chief Tez Navarro, residente ng lungsod ang aktor at nagparehistro sila tatlong linggo na ang nakalilipas bilang kasama sa A3 category o Persons with Comorbidity.

Nagpresinta aniya sila ng medical certificates mula sa isang pribadong ospital sa Muntinlupa at nakatanggap ng text message para sa schedule.

Paliwanag ni Navarro, may mga celebrities, politiko, mayayamang negosyante, at maimpluwensiyang indibidwal na naninirahan sa Ayala Alabang na nabakunahan na rin.

Giit pa nito, inclusive ang city government kaya pantay-pantay ang pagtingin sa mayaman, mahirap, politiko o artista, at ang vaccination program ay para sa lahat ng nagpaparehistro.