Muntinlupa LGU, di na inaanunsiyo ang brand ng COVID vaccines

Sinimulan na ng Lokal na Pamahalaan ng Muntinlupa ang pagtalima sa direktiba ng Department of the Interior and Local Government (DILG), na huwag isapubliko ang brand ng COVID-19 vaccines na ituturok sa inoculation sites.

Nitong May 19 at 20, ay hindi na nakalagay sa schedule ng vaccination ang brand ng bakuna para sa medical frontliners, senior citizens at persons with comorbidity, kumpara sa mga naunang inilathala sa social media page ng city government.

Kinumpirma ni Muntinlupa Public Information Office Chief Tez Navarro, na hindi na nila inaanunsiyo ang brand ng bakuna, bilang pagtalima sa utos nina Health Undersecretary Myrna Cabotaje at Interior Undersecretary Jonathan Malaya.

Kamakalawa, ay umabot na sa 35,013 ang bilang ng mga residenteng nabakunahan ng first dose habang 12,253 sa second dose.

Sinabi ni Muntinlupa City Mayor Jaime Fresnedi, na plano nilang tapusin ang pagbabakuna sa 385,000 residents o 70 percent ng populasyon sa November.