Mungkahing i-realign sa pagtulong sa mga nasalanta ng bagyo ang proposed 2021 NTF-ELCAC fund, suportado ni Senador Franklin Drilon

Suportado ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang mungkahing irealign o ilipat sa pagtulong sa mga nasalanta ng bagyong Rolly ang bahagi ng 19 billion pesos na panukalang pondo para sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa susunod na taon.

Ayon kay Drilon, sa halip na paglaanan ng pondo ang mga soft projects na malapit sa korapsyon, gaya ng agricultural assistance, livelihood at technical vocational training, scholarship at ayuda para sa mga mahihirap na pamilya o indibidwal, dapat ay direkta na lang ibigay sa mga kababayan nating naapektuhan ng super bagyong Rolly ang pondo.

Ito ay para may magamit aniya sa pagpapatayong muli ng kanilang mga komunidad, kabahayan at kabuhayan.

Giit ng senador, kailangan ring magdagdag ng pondo para sa housing sector dahil kulang ang 4 billion pesos na inilaang pondo para dito sa susunod na taon. Sinabi pa ng minority leader na makakatulong rin ang realignment ng pondo para maibsan ang suspetsa na gagamitin lang ang naturang pondo para sa paghahanda sa 2022 elections.