Mungkahi sa Kamara, aprubahan na ang GAB bago mag-November 1

Iminumungkahi ni Senador Panfilo Lacson sa Kamara na ipagpatuloy na nila ng kahit isang araw lang ang sesyon nila upang maipasa sa ikatlo at huling pagbasa ang 2021 general appropriations bill (GAB).

Ito ang inalok na solusyon ng senador kay House Speaker Alan Peter Cayetano upang hindi madelay ang pagkakapasa ng panukalang pondo at maiwasan ang isang re-enacted budget.

Ayon kay Lacson, dapat ay muling magkaroon ng sesyon ang kamara bago mag-November 1 at agad na isumite sa kanila sa mataas na kapulungan ang GAB.

Ipinaabot rin aniya ng senador kay Cayetano na kailangan ng mga senador, lalo na ng mga Senate Finance Committee Vice Chairperson, ng hanggang isang linggo para mapag aralan ang house version ng GAB at isumite sa kanilang mother committee ang kanilang sari-sariling mga report.

Matapos nito ay isang linggo pa ulit ang kakailanganin para pagsamahin ng finance committee ang lahat para mabuo ang kanilang buong committee report…saka pa lamang masisimulan ang floor debates pagbalik ng kanilang sesyon sa November 16.

Giit ng mambabatas, hindi kakayanin ng bansa ang magkaroon muli ng isang impasse sa pagpapasa ng pambansang pondo.