Mungkahi ni PNP Chief sa CSC: Magtakda ng halaga ng regalo na pwedeng tanggapin ng mga empleyado ng gobyerno   

Iminungkahi ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Oscar Albayalde sa Civil Service Commission (CSC) na magtakda ng halaga ng regalo na pwedeng tanggapin ng mga empleyado ng gobyerno.

Ang mungkahi ng PNP chief ay matapos sabihin ni Presidential Anti-Corruption Commission Chairman Greco Belgica na para sa kanya ay “insignificant” ang P100,000 halaga dahil katumbas lang ito ng isang buwan niyang sahod.

Sinabi ni Albayalde na nirerespeto niya ang pahayag ni Belgica dahil depende aniya sa pinagbibigyan at nagbibigay, ang regalong may “insignificant value”.

Pinahihintulutan din kasi ng Civil Service ang pagtanggap ng mga empleyado ng gobyerno ng mga regalong may “insignificant value” o yung mga itinuturing na “token of appreciation” lang.

Sinabi ni Albayalde na maaring para sa isang bilyonaryo ay balewala ang magbigay ng P100,000 pisong regalo.

Pero sinabi ni Albayalde na kung siya ang pagbibigyan, hindi “insignificant” ang P100,000 dahil kalahati na ito ng kanyang buwanang sweldo at pabiro pang sinabi na ilang Lacoste T-shirt din ang mabibili niya dun.

Kaya para wala na aniyang kwestyon kung ano ang “insignificant value”, mas maigi kung magtakda na ang Civil Sevice ng kaukulang halaga na itinuturing na “insignificant”.