Multa sa mga nagbi-bisekletang hindi naka-helmet sa Quezon City, planong babaan

Hindi pahihintulutan ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na ipatupad ang city ordinance na nagpapataw ng malaking multa sa mga nagbi-bisekleta na hindi nagsusuot ng helmet. 

Ito ang inanunsyo ng alkalde kasunod na rin ng pagpasa ng Sangguniang Panlungsod sa ordinansa na nagtatakda sa halaga ng mga lalabag sa hindi pagsusuot ng helmet. 

Sa inaprubahan na city ordinance, P1,000 hanggang P5,000 ang maaaring maging multa sa mga mahuhuling walang suot na helmet habang nagbibisekleta. 

Sabi ni Belmonte, hindi makatarungan ang multang ito lalo pa at nasa krisis ang bansa dulot ng pandemya. 

Hihilingin daw niya sa Sangguniang Panlungsod na ibaba sa P500 hanggang P1,000 ang magiging multa.  Dagdag pa ng alkalde, sa panahong ito na marami ang gumagamit ng bisikleta kaya’t hindi makatutulong sa publiko ang pagtaas sa multa dahil sa kahirapan.