Mula ECQ, lalawigan ng Batanes, isinailalim sa localized community quarantine

Isinailalim sa mas maluwag na localized community quarantine ang lalawigan ng Batanes simula ngayong araw, October 6 hanggang October 13. Ito’y matapos ipatupad ang limang araw na Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa lugar bunsod ng maitala ang unang dalawang positibong kaso ng COVID-19 sa probinsya.

Sabado nang nakumpirma ng lokal na pamahalaan ng lalawigan ng Batanes na negatibo lahat ng “closed contact” ng dalawang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa probinsya.

Sa inilabas na guidelines ng localized community quarantine sa probinsya, limitado pa rin sa pagkuha ng mga basic necessities at services ang galaw ng mga indibidwal na pinapayagang lumabas. Bawal pa ring lumabas ang mga may edad 21 taong gulang pababa at edad 60 taong gulang pataas, buntis at mga may iba pang karamdaman.

Pinayagan na ring magbukas ang ilang piling mga klase ng establisimyento sa probinsya. Muli namang pinapayagan ang pagpasok ng mga commercial flights sa probinsya na alinsunod sa mga striktong alituntunin at protocol ng National Inter-Agency Task Force (IATF) at ng Provincial Task Group.

Samantala, nananatili namang asymptomatic o walang sintomas ang dalawang COVID case sa probinsya na istriktong sinusubaybayan ng mga medical personnel at Provincial COVID-19 Task Group sa kanilang mga isolation facilties.