MRT-3, may 15 ‘operational trains’ na ngayong araw matapos ang puspusang maintenance activities nitong panahon ng Semana Santa

Hindi napako ang pangako ng management ng Metro Rail Transit Line-3 (MRT-3), na maibalik sa serbisyo ang lahat ng kanilang mga tren ngayong balik operasyon na ang train line matapos ang puspusang apat na araw na maintenance activities nitong nagdaang Semana Santa.

Ayon kay MRT-3 Media Relations Officer Aly Narvaez, bumalik na sa 15 train sets ang ‘operational’ kung saan 47 na tinatawag na Light Rail Vehicles (LRVs) ang sumailalim sa pagkumpuni at kinabitan ng mga bagong piyesa.

Pero sa bilang na ito, sinabi ni Narvaez na 14 pa lamang ang naiakyat sa main line at bumibiyahe na sa mga oras na ito.

Unti-unti aniya ang ginagawang pag-angat sa mga LRVs na bahagi na rin ng safety check at iba pang umiiral na regulasyon.

Dahil dumami na ang bilang ng mga tumatakbong tren ng MRT-3 ay nabawasan na rin ang headway o ang minuto ng pag-aantay ng mga pasahero na nasa pitong minuto sa bawat istasyon bago sila makasakay.

Matatandaang Enero 7 pa huling nagkaroon ng 15 running trains ang MRT-3 na sadyang binawasan ang biyahe noon dahil kinailangang isailalim sa repair at maintenance ang karamihan ng kanilang tren bunsod ng madalas na pagkasira at aberya.

Samantala, upang makatulong pa rin sa dami ng mga commuter tuwing rush hour ay tuluy-tuloy pa rin ang bus augmentation program ng MRT-3. | via Shane Juan