MOU ng Pilipinas at China sa imprastraktura, inilabas ng Palasyo

Muling naglabas ngayon ang Malacañang ng mga dokumento hinggil sa ilang mga Memorandum of Understanding (MOU) na nilagdaan kamakailan ng Pilipinas at ng China.

Isa dito ay may kinalaman sa usapin ng imprastraktura, na kung titingnan ay pabor sa pamahalaang Pilipinas sa gitna na rin ng pag-usad sa kasalukuyan ng Build, Build, Build project ng Duterte Administration.

Sa ilalim ng MOU Cooperation Infrastructure Program na pinirmahan ng dalawang bansa, nagpahayag ang China na ibabahagi nito ang malawak na karanasan nito hinggil sa highway construction, operation and management, kagaya ng kaalaman nito sa modern railway construction, bridge construction at iba pa.

Sa harap na rin ito ng napakaraming proyektong nakalinya sa ilalim ng Build, Build, Build project ng administrasyon, katulad na lamang ng pagsasaayos ng Philippine National Railways (PNR) South Haul Project, Subic Clark at Mindanao railway project.

Sa ilalim naman ng bridge cooperation na nakasaad sa MOU, nagkasundo ang Pilipinas at China na magtulungan at magkaroon ng partisipasyon sa pagtatayo ng limang mga tulay na mag-uugnay sa iba’t ibang mga lugar, gaya ng Pasig-Marikina River at Manggahan Floodway, North-South Harbor bridge, Palanca- Villegas bridge, Blumentrit – Antipolo bridge at marami pang iba. | ulat ni Alvin Baltazar