Motorcycle taxi, ipinanawagang payagan nang maka-biyahe

Nakiisa na si Senate President Pro Tempore Ralph Recto sa panawagang payagan nang magbalik operasyon ang mga motorcycle taxi upang mapalawak ang pagpipiliang pampublikong transportasyon ng taumbayan.

Ayon kay Recto, paraan rin ito upang makagawa ng mas maraming trabaho nang walang gastos sa parte ng pamahalaan.

Sa pagpapahintulot na maka-biyahe nang muli ang mga motorcycle taxi, sinabi ng senador na dapat tiyakin ng mga otoridad na magiging mahigpit ang pagsunod ng mga ito sa health and safety protocols kontra COVID-19.

Aniya, kung kinakailangan ang pagkakaroon ng motorcycle barrier, pagsusuot ng face mask, face shied at sariling helmet para mapanatiling protektado ang mga pasahero at driver mula sa hawaan ng COVID-19, ay dapat itong gawing mandatory.

Giit ni Recto, ang pagkakaroon ng ligtas na pampublikong transportasyon ay isang susi para sa pagpapasiglang muli ng ating ekonomiya.