Most wanted at miyembro ng NPA sa Albay, naaresto ng EPD sa Pasig City

Naaresto na ng Philippine National Police (PNP) ang isang miyembro ng New People’s Army (NPA) na nasa pang-30 sa talaan ng Regional Most Wanted Person sa Provincial Regional Office sa Region 5.

Kinilala ang nahuling NPA member na si Joselito Naag, 45 anyos, at residente ng Daraga,  Albay.

Dinakip siya kahapon sa Christ the King St. sa Barangay Santolan Pasig City ng pinagsanib na pwersa ng ISoD, Regional Intelligence Unit-NCR at RIU 5 ng PNP Intelligence Group, District Intellegence Division, Eastern Police District (EPD) at R2/Regional Special Operations Group at Police Regional Office Region 5 (PRO5).

Si Naag ay kasapi ng Kilusang Larangang Guerilla 78, KOMPROB Albay base sa 1st Quarter 2019 Periodic Status Report.

Dinakip ang NPA member sa bisa ng warrant of arrest sa kasong robbery, murder, at frustrated murder mula sa Legaspi City RTC.

Nasa talaan din siya ng Department of the Interior and Local Government (DILG) Most Wanted Person alinsunod sa DILG Memo Circular 98-219 na may patong sa ulo na P100,000 para sa kanyang ikadarakip.

Nasa pangangalaga na ng EPD si Naag para sa kaukulang disposisyon.