Moratorium sa tuition fee increase sa private schools sa susunod na school year, ipinanawagan

Umaapela si Agusan del Norte Representative Lawrence Fortun na magkaroon ng moratorium sa taas-matrikula, ang lahat ng pribadong paaralan sa buong bansa para sa school year 2021-2022.

Ngunit para maisakatuparan ito, dapat aniya ay tulungan ng Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED) ang naturang mga eskuwelahan.

Ayon kay Fortun, kumikilos naman ang Kamara para maayudahan ang mga private school, upang makatawid at hindi magsara sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Kabilang sa mga ipinapanukalang tulong ang pandemic tax rate, non-cash assistance, non-tax incentives, at cash aid ng pamahalaan.

Mungkahi ni Fortun sa Department of Labor and Employment (DOLE), isama ang mga maliliit na pribadong paaralan sa Bayanihan cash aid programs, at bumuo ng isang Inter-Agency Task Force (IATF) ng non-tax incentives para makabawas naman sa operation costs ang mga private school.