Morale ng AFP, positibong maaapektuhan sa pagsibak ng mga opisyal na sangkot sa katiwalian

Positibong maaapektuhan ang morale ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pagsibak ng mga opisyal na sangkot sa katiwalian.

Ito ang inihayag ni Defense Secretary Delfin Lorenzana matapos na ipag-utos ng Pangulo ang pagsibak ng 20 opisyal ng militar kaugnay ng anomalya sa pagbili ng gamot para sa mga sundalo.

Kabilang sa mga ito sina Brig. Gen. Edwin Leo Torrelavega, ang commander ng AFP Health Service Command at Col. Antonio Punzalan ang commander ng V. Luna Medical Center, chief ng Management and Fiscal Office at Logistic Office ng AFP Health Service Command.

Ayon kay Lorenzana ang anomalya ay nadiskubre sa pamamagitan ng internal audit at imbestigasyon bukod sa sariling imbestigasyon ng Presidential Anti-Corruption Commission.

Napatunayan aniya sa imbestigasyon na may mga ‘ghost deliveries’ ng mga medical supplies.

Tiniyak naman ni Lorenzana na ang mga mapatunayang involved sa naturang anomalya ay pananagutin, habang patuloy na hinahanap ang mga iba pang posibleng kasangkot sa maanomalyang pagbili ng gamot.  | ulat ni Leo Sarne