Modernong mga bus ipakikita na sa publiko

DAVAO CITY — Nakatakdang ipakita sa publiko ang mga modernong bus na siyang bibiyahe sa limang ruta sa Lungsod ng Davao.

Napag-alaman na ipiprisinta na ngayong buwan ang mga bus na gagamitin sa ilalim ng high priority bus system ng lokal na pamahalaan ng Davao.

Ayon kay Konsehal Conrado Baluran, chairman ng Committee on Transportation sa 18th City Council, kasabay ng pagdiriwang ng Kadayawan sa Davao ay ipakikita rin ang mga modernong mga bus at ang paunang serbisyo nito sa mga Dabawenyo ay ang libreng sakay sa nasabing araw.

Napag-alaman na isang ruta pa lang  ang kanilang ipatutupad base na rin sa napagkasunduan sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Una nang ipinangako ni Davao City Mayor Inday Sara Duterte ang high priority bus system na ipatutupad sa lungsod kung saan ang pondo ay mula sa loan package sa Asian Development Bank (ADB).

Siniguro na rin ni LTFRB Chairman Martin Delgra na makapagbibigay ng komportableng biyahe sa mga commuters ang nasabing mga bus.

Inaasahan rin na mapadadali nito ang biyahe ng mga sasakyan at mababawasan na rin ang masikip na trapiko sa mga pangunahing lansangan. | ulat ni Sheila Lisondra РDXRP Radyo Pilipinas Davao