Mobile vaccination sa subdivisions, umarangkada na sa Parañaque

Inilunsad ng Lokal na Pamahalaan ng Parañaque ang COVID-19 Mobile Vaccination Program (MVP), bilang bahagi ng hakbang para protektahan ang mga residente laban sa virus.

Ayon kay Parañaque External and Homeowners Affair Chief Eva Nono, bumuo ng team si Mayor Edwin Olivarez para magtungo sa mga barangay at subdivision upang bakunahan ang vulnerable sectors.

Nasa 190 indibidwal na karamihan ay senior citizens ang binakunahan, sa pag-arangkada ng MVP sa Tahanan Village sa Barangay BF Homes.

Partikular na tututukan ng MVP team ang mga lugar na may mataas na kaso ng COVID-19.

Sinabi ni Olivarez, na ngayong bumubuti na ang sistema ay handa ang mobile vaccination program na suyurin ang mas maraming lugar sa lungsod, sa pakikipagtulungan ng barangay officials at homeowner’s associations.

Ang MVP ay pinamumunuan ng medical director ng Ospital ng Parañaque na si Dr. Jeff Pagsisihan.