MMDA, umapela sa NCR mayors na higpitan ang implementasyon ng anti-public smoking laws

Nanawagan si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos sa mga alkalde sa Metro Manila na mahigpit na ipatupad ang anti-public smoking ordinances.

Ayon kay Abalos, dapat itaguyod ang mas malusog na kapaligiran at hikayatin ang mga naninigarilyo na tumigil na lalo’t dumaranas ng stress ang publiko dulot ng COVID-19 pandemic.

Handa aniya ang MMDA na tumulong para lumawak ang kabatiran ng mamamayan ukol sa pagkontrol sa paninigarilyo sa pamamagitan ng pagbibigay-pansin sa masasamang epekto nito.

Sinabi ng opisyal na nakikipag-ugnayan ang ahensya sa LGUs sa Metro Manila para i-monitor ang compliance sa advertising at promotion, pagbebenta at pag-display at paninigarilyo sa pampublikong lugar gaya ng malalapit sa eskuwelahan.

Para matiyak ang smoke-free public transportation terminals, magpapaskil ng “No Smoking” signages ang MMDA sa lahat ng EDSA Busway stations katuwang ang Department of Transportation.