MMDA Traffic Chief Bong Nebrija, pinaalalahanan ang mga motorista na maging responsable, bigyang-daan ang emergency vehicles

Nanawagan si MMDA Traffic Chief Bong Nebrija sa mga motorista na maging responsable at laging bigyang-daan ang mga emergency vehicle, gaya ng mga ambulansya, bumbero at police vehicles.

Sinabi ito ni Nebrija matapos lumabas ang report ng international news agency na Agance France Presse tungkol sa namamatay na mga pasyente dahil naiipit sa trapiko ang mga ambulansya.

Giit ni Nebrija, nagtataka sila kung bakit kailangan pang iatang sa mga traffic enforcer at latagan ng espesyal na plano ang isyu, gayong bahagi ng responsibilidad ng isang license holder ang magbigay daan sa mga emergency vehicle.

Buhay aniya ng mga nangangailangan ng agarang medical attention, biktima ng sunog at krimen ang nakasalalay dito, kaya’t kailangan maging responsable ng lahat ng mga motorista.

Sa panig ng MMDA, sinabi ni Nebrija na maaari nilang tiketan at patawan ng reckless driving offense ang mga motoristang haharang sa mga emergency vehicles na ito.