MMDA Spox Pialago, pananagutin ang “personal attacks” ukol sa kanyang komento kay Reina Mae Nasino

Nilinaw ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Spokesperson Assistant Secretary Celine Pialago na hindi siya nagtungo sa National Bureau of Investigation (NBI) para kasuhan ang mga basher matapos ang kontrobersyal na pahayag hinggil sa aktibistang si Reina Mae Nasino at sa pumanaw nitong anak.

Ayon kay Pialago, dumulog siya sa tanggapan para kumonsulta ukol sa kasong maaaring isampa laban sa mga nagpapakalat ng malisyoso at maling impormasyon tungkol sa kanya.

Libelous statements aniya ang partikular na hahabulin at walang kinalaman ang pagpapakalat ng memes hinggil sa “passed away” remark sa sinalihang beauty pageant at pagiging bahagi ng oposisyon noong 2016.

Paliwanag ni Pialago, kawawa ang mga pribadong indibidwal na nadadamay sa isyu kaya pananagutin niya ang mga pahayag na mapanirang-puri.

Una nang humingi ng paumanhin ang opisyal dahil sa “drama serye” remark na itinuring na insensitive ngunit iginiit na naiintindihan niya kung bakit pinaligiran ng law enforcers si Nasino habang inililibing ang anak.

Sinabi naman ni MMDA General Manager Jojo Garcia na nakausap na niya si Pialago at ipinunto na ang personal nitong opinyon ay hindi opisyal na pahayag o paninindigan ng ahensya.