Asec. Pialago, inireklamo ang fake news sa isang website

Inireklamo ni MMDA Spokesperson Assistant Secretary Celine Pialago sa Philippine National Police Anti-Cyber Crime Group (PNP-ACG) sa Camp Crame ang isang website na nagkalat umano ng fake news laban sa kanya.

Sa kanyang affidavit, sinabi ni Pialago na “fake news” ang ikinalat ng website na “Pinoy Laugh Page” na statement mula umano sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), na nagsabing “kung nahihirapan sumakay ang mga commuter ay huwag na silang pumasok”.

Lumabas ang post sa social media, makaraang masunog ang substations ng LRT Line 2, na nagresulta sa malaking perwisyo sa mga commuter nitong mga nakalipas na araw, dahil sa walang masakyan.

Ayon kay Pialago, makakaapekto sa kanyang performance bilang tagapagsalita ng MMDA ang naturang post, dahil nagkaroon ng bias laban sa kanya ang mga mamamayan.

MMDA Spox Pielago

MMDA Spokesperson Celine Pialago, inireklamo sa PNP-Anti Cyber Crime group sa Camp Crame, ang isang website na nagkalat umano ng fake news laban sa kanya. | via Leo Sarnewww.radyopilipinas.ph

Posted by Radyo Pilipinas on Tuesday, 8 October 2019

Giit ni Pialago, kasinungalingan ang impormasyon na kinakalat ng naturang website, na kung paulit-ulit na maipasa sa social media, sa kinalaunan ay paniniwalaan na ito bilang katotohanan.

Ayon kay PCol Ramon Roque Gamboa, chief ng Cyber Response Unit ng PNP-ACG, tini-trace na nila ngayon ang may-ari ng “Pinoy Laugh Page” na gumagamit aniya ng “fictitious identity”.