MMDA at MOWELFUND, naglunsad ng COVID-vaccination sa mga artista at staff ng local film industry

Ikinasa ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Movie Workers Welfare Foundation (MOWELFUND), ang COVID-19 vaccination program ngayong araw para sa mga nagtatrabaho sa industriya ng pelikula.

Bahagi ito ng layunin ng Metro Manila Film Festival, na tumulong at magbigay ng insentibo sa designated beneficiaries sa local film industry, tulad ng MOWELFUND at pagkilala sa kahalagahan ng pinilakang-tabing.

Nasa 100 artista at crew members na nagtatrabaho sa movie industry at miyembro ng A4 category, ang binakunahan kontra COVID-19 sa MMDA Auditorium.

Ayon kay MMDA Chairperson Benhur Abalos, tinatayang 300,000 indibidwal mula sa local film industry ang direktang naapektuhan ng pandemya, kasama ang producers, cinema employees, ticket sellers at iba pa.

Umaasa si Abalos, na magbubukas na muli ang mga sinehan sa bansa upang maibalik ang sigla at karanasan ng mga Pilipinong manonood, habang tinitiyak na nasusunod ang minimum health standards.

Dagdag pa ng opisyal, sa pamamagitan ng malawak na impluwensiya ng mga artista ay matutugunan ang vaccine hesitancy ng publiko, at mahihimok sila na magpabakuna na para makamit ang herd immunity sa lalong madaling panahon.