Mixed use development sa Mindanao, kinailangang gamitin para sa tagumpay ng Balik-Probinsya, Bagong Pag-asa Program

Iginiit ng Davao City Chamber of Commerce and Industry Inc., na kailangang isulong ng iba’t ibang industriya ang pagkakaroon ng mixed use developments sa Mindanao para maging matagumpay ang pagpapatupad ng Balik Probinsya, Bagong Pag-asa (BP2) ng pamahalaan.

Sa isang pahayag, sinabi ni Davao City Chamber of Commerce President John Carlo Tria, kinakailangan na dapat na i-develop ang Mindanao para ma-enganyo ang mga negosyante na lumipat ng kanilang negosyo dito.

Ayon kay Tria, para makamit ito, kinakailangan ang pagpapatayo ng mga imprastruktura at pagbibigay ng mga insentibo sa mga industriya na lilipat sa Mindanao.

Dagdag nito na kapag dadami na ang mga negosyo sa Mindanao, marami ang mabibigyan ng oportunidad para makapagtrabaho kahit na hindi na pupunta sa kamaynilaan.

Positibo naman ni Senador Bong Go, na siyang nagsulong ng BP2, ipapatupad agad ito kapag natapos na COVID-19 pandemic sa bansa.

Ayon kay Go na pansamantala muna itong itinigil dahil sa restrictions ng health protocols na kasalukuyang ipinapatupad ngayon sa bansa.

Sa pagpapatupad ng programa, paliwanag ng Senador, mababawasan na ang pagsisiksikan ng mga tao sa Metro Manila na madalas naging dahilan ng pagdami ng informal settlers sa mga lungsod nito.

Mas magiging maunlad na rin ang mga probinsya dahil sa mga oportunidad na maihahatid nito sa mga tao.