Miscellaneous Personnel Benefits Fund sa 2021 GAA, maaaring gamitin para sa backpay ng mga demoted nurse — Rep. Defensor

Hinimok ni ANAKALUSUGAN Party-list Representative Mike Defensor ang Department of Budget and Management (DBM) na kunin mula sa ₱29.3-billion compensation adjustment fund sa ilalim ng 2021 General Appropriations Act (GAA) ang pambayad sa backpay ng mga demoted na nurse.

Ang naturang pondo mula sa Miscellaneous Personnel Benefits Fund (MPBF), ay inilalaan aniya bilang contingency fund para punan ang kakulangan sa salary, bonus, allowance, associated premium, at kahalintulad na benepisyo ng mga government personnel.

Maaari din aniyang gamitin ang nasa ₱56.7-billion MPBF savings mula sa national budget noong nakaraang taon.

Bagamat hindi pa tukoy ang kabuuang bilang ng mga naapektuhang nurse, batay sa PGH Nurses’ Association sa 1,142 nurses ng ospital, 823 ang mga Nurse-2 na dapat mabayaran ng ₱43-million pesos na backpay.

Kung matatandaan naglabas ang DBM ng isang circular noong Hulyo ng nakaraang taon para sa ‘position modification’ ng mga Nurse-2 na ibinaba sa Nurse-1.

Dahil dito mula sa Salary Grade (SG) 16 (₱36,628 – ₱39,650 depende sa length of service) ay ibinaba ang kanilang base pay sa SG 15 (₱33,575 – ₱36,323).