MINDA, tiwalang matutuloy ang Mindanao Railway Project

Tiwala pa rin ang Mindanao Development Authority (MINDA) na matutuloy pa rin ang Mindanao Railway Project, sa kabila ng pagkaantala ng pagsisimula nito.

Sa panayam kay MINDA Assistant Secretary Romeo Montenegro, ginagawa ng mga ahensya na may kinalaman sa naturang proyekto ang lahat ang kanilang makakaya, upang masimulan na ang Phase 1 ng proyekto, na may rutang Tagum-Davao-Digos.

Ayon kay Montenegro, may nakalaan nang P6 billion budget mula sa General Appropriations Act ng 2018 para sa pagbili ng Road Right of Way (RROW).

Nitong mga nakaraang buwan, naantala ang implementasyon ng naturang proyekto, matapos tumutol ang mga homeowner ng high-end subdivision na Monteritz, lalo na ang mga apektadong residente.

Paliwanag naman ni Montenegro, na kakain talaga ng oras ang naturang pagsisimula ng proyekto, dahil pagkatapos ng pagbili ng RROW, dadaan na naman ito sa proseso ng procurement para sa mga bagon at riles ng tren na gagamitin.

Pero, kumpiyansa ang naturang opisyal na matatapos ang naturang proyekto, bago pa bumaba si Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang huling araw sa termino.