MinDA, magsasagawa ng Hog Raisers Orientation vs African Swine Flu

Magsasagawa ng isang Mindanao-wide Hog Raisers Orientation ang Mindanao Development Authority (MinDA) para malabanan at maiwasan ang pagpasok ng African Swine Flu (ASF) sa buong isla.

Inihayag ni MinDA Secretary Emmanuel Piñol, na layunin ng orientation na mabigyan ng sapat na kaalaman ang mga hog raiser kung paano maiiwasan ang pagpasok ng ASF sa kani-kanilang mga lugar.

Itinakda ni Piñol ang naturang pagtitipon sa susunod na linggo, Setyembre 9, 2019, sa Davao City. Pag-uusapan din rito kung paano makakasiguro na ang lahat ng pinapasok na processed pork meats ay ligtas mula sa ASF.

Nagbabala si Piñol sa mga Mindanao hog raiser at stakeholders na maging maingat sa pagpasok ng processed pork products na maaring may ASF.

Hinimok din ng kalihim ang lahat ng local government units (LGUs) na manguna sa pagkontrol ng pagpasok ng frozen meats sa kanilang lugar, manduhan ang quarantine checkpoints, at pag-recall ng imported processed meats nang sa ganon ay masiguro na hindi makapasok ang ASF sa Mindanao.

Ayon kay Piñol, na kailangan din pagtibayin ng bawat lokalidad ang monitoring ng shipments ng mga hayop at ang pagpasok ng mga walang dokumento na produkto dahil posibleng may dala itong virus na makahawa sa mga lokal na hayop sa bansa.

Ipinagbabawal na ng Food and Drug Administration (FDA) ang importasyon at distribusyon ng lahat ng processed pork meat products mula Hong Kong, North Korea, Laos, Germany, China, Hungary, Latvia, Poland, Romania, Russia, Ukraine, Vietnam, Zambia, South Africa, Czech Republic, Bulgaria, Cambodia, Mongolia, Moldova, at Belgium.