Magsasagawa ng trade at business mission ang Mindanao Development Authority (MinDA) sa Papua New Guinea sa susunod na buwan para sa pagpapaigting ng ugnayan nito.
Sa isang pahayag, sinabi ng bagong kalihim ng MinDA na si Manny Piñol, na nakatakda silang pumunta sa naturang bansa ngayong darating na Setyembre 3 hanggang 9, para sa business partnerships pati na rin ang potensyal na exportation ng Mindanao rice.
Nakipagpulong si Piñol kina Papua New Guinea Ambassador to the Philippines Betty Palaso at Vice Minister Mannaseh Makiba, bago pa man ito pormal na umupo sa kanyang pwesto.
Kalakip sa naturang trade mission ang isang investment forum at business-to-business networking ng Papua New Guinea key private sector players.
Tinitingnan din ang posibleng importasyon ng timber mula Papua New Guinea patungong Mindanao, dahil parte ng kanilang napag-usapan na kinakailangan din ito para sa construction industry sa Mindanao.
Bukod sa naturang produkto, tinitingnan din nito ang pag-source out ng tuna at iba pang fishery products sa naturang bansa, at i-eexport naman ang mga gulay at poultry products mula Mindanao papunta ng Papua New Guinea.
Nais din nilang imungkahi ang paglagay ng direct flight mula Davao papuntang Port Morseby, Papua New Guinea, upang mapagtibay ang napagkasunduan ng dalawang bansa.
Ang naturang trade mission ay isa sa mga serye ng international business roadshows sa pakikipagtulungan ng ibang ahensya, para maipakita ang economic potentials ng Mindanao sa international market.
Susunod na pupuntahan ng MinDA ang Solomon Islands at Singapore, para maging destinasyon ng high-quality premium rice mula Banaybanay, Davao Oriental, North Cotabato, Zamboanga del Sur, at Zamboanga Sibugay.