Milyon-milyong halaga ng smuggled sports car, nasabat ng BOC

Nasa P10 milyon halaga ng mga smuggled na sports car ang nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC), Manila International Container Port’s Customs Intelligence and Investigation Service (MICP-CIIS), kamakailan.

Ayon sa BOC, nakatanggap sila ng impormasyon na naglalaman ng kahina-hinala ang dumating na kargamento, kaya agad itong isinailalim sa 100 percent physical examination.

Sa isinagawang inspeksyon, 40 bales ng ukay-ukay ang natuklasan upang maitago ang apat na sasakyan, kabilang na dito ang isang unit ng Porsche Boxter Sports Car, isang unit ng Mercedes Benz SLK Sports Car, at dalawang Toyota MR-S Sports Cars.

Ang mga nasabing kargamento, ay naka-consigne sa JLFDM Consumer Goods Trading na nagmula sa Japan, kung saan idineklara na naglalaman ito ng mga auto sparepart.

Dagdag pa ng customs, agad silang nagpalabas ng Warrant of Seizure and Detention (WSD) para sa naturang shipment, dahil sa posibilidad ng paglabag sa Section 1400 ng Republic Act 10863 o Customs Modernization and Tariff Act.

Ang nasabing operasyon ay bahagi ng MICP-CIIS’ OPLAN TSEKOT, na naglalayon na masawata ang vehicle smuggling sa MICP.