Militar sinisikap na masagip ang 9 na bihag ng Abu Sayyaf

Walang tigil ang militar sa pagtugis sa Abu Sayyaf para mailigtas ang siyam na nalalabing bihag ng terroristang grupo.

Ito ang tiniyak ni Joint Task Force Sulu Commander Brig. Gen. Cirilito Sobejana, matapos na mapalaya ang isa sa mga bihag kahapon na kinilalang si Engr. Enrico Nee, district engineer ng Department of Public Works and Highways sa Sulu na dinukot ng grupo noong Pebreo 14.

Ayon kay Sobejana, sa siyam na natitirang bihag ng ASG, apat dito na ang Pilipino, tatlong Indonesians, isang Vietnamese at isang ang Dutch.

Nagpahayag ng kumpiyansa si Sobejana na mababawi ng militar ang lahat ng mga bihag, dahil may sapat na pwersa sila para patuloy na i-pressure ang Abu Sayyaf.

Nanindigan ang opisyal na hindi kukunsuntihin ng militar ang panghihingi ng ransom ng Abu Sayyaf dahil ginagamit lang nito ang nakukuha nilang pera para magpalakas ng pwersa.

Bago pinalaya si Engr. Nee kahapon, una ng pinalaya ng ASG ang dalawang dinukot na pulis na sina PO2 Benierose Alvarez at PO1 Dinah Gumahad at ang dalawa nilang sibilyang kasamang dinukot, dahil sa matinding focused military operations laban sa grupo. | via Leo Sarne