Militar, nanindigan na NPA child warrior ang 15-taong gulang na napatay sa enkwentro sa Davao del Sur

Nanindigan ang militar na child warrior ng NPA ang 15-taong gulang na lalaking napatay sa enkwentro sa Davao Del Sur kamakailan.

Ito’y matapos akusahan ng CPP-NPA ang AFP Eastern Mindanao Command na nagpapakalat ng disimpormasyon sa pagkakapatay sa 15-taong gulang na si Rondi Ondo sa enkwentro sa Barangay Astorga, Sta Cruz, Davao del Sur noong Sabado.

Ayon sa CPP-NPA ang naturang bata ay hindi NPA at nangongolekta lang ng buko sa lugar nang paputukan ng nga tropa.

Ayon naman kay Brigadier General Roberto Ancan Commander 1002nd Brigade, napakalayo ng Sta. Cruz, Davao del Sur sa bahay ng bata sa Makilala, Cotabato para doon manguha ng buko.

Tanong pa ng heneral, ano ang ginagawa ng bata sa encounter site sa Sitio Bayongon, Brgy. Astorga, Sta Cruz, Davao del Sur kasama ang napatay na NPA leader na si Julito Pueblas alias Taghoy, na taga Makilala, Cotabato rin.

Bukod dito aniya, ang tatay ng bata ay miyembro din ng NPA.

Giit ni Brig. Gen. Ancan, armado si Ondo nang maganap ang enkwentro at nakipagbarilan sa mga tropa kaya ito napatay.

Dagdag ng heneral, ang CPP-NPA ang siyang nagpapakalat ng disimpormasyon para pagtakpan ang kanilang pag-gamit ng mga kabataan bilang mga child warriors. | via Leo Sarne