Militanteng grupo, iprinotesta ang pagkakaaresto ng PNP sa 5 NDF members

Nagsagawa ng rally sa tapat ng gate 2 ng Camp Crame kahapon ng hapon ang ilang miyembro ng militanteng grupong Gabriela, para iprotesta ang pagkakaaresto kamakalawa sa limang miyembro ng National Democratic Front (NDF).

Ayon sa mga rallyista, mga human rights activist at hindi mga terorista ang inaresto ng mga otoridad, giit nila na dapat pakawalan ang mga ito dahil wala umanong kaso laban sa mga ito.

Kasalukuyang nakaditine sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Headquarters sa Camp Crame si Adelberto A. Silva, ang pinuno ng National Organizational Department (NOD) ng CPP-NPA, na isa sa mga pinalayang NDF consultants noong taong 2016, at apat pa nitong kasamahang miyembro ng NDF.

Ang lima ay nahuli sa isang joint Philippine National Police (PNP)-Armed Forces of the Philippines (AFP) operation sa Santa Cruz Laguna noong Lunes.

Sila ay iniuugnay sa pumalyang “Red October plot” ng mga komunista, para patalsikin sa pwesto ang Pangulong Rodrigo Duterte. | ulat ni Leo Sarne