MILF Chair Ebrahim at AFP Chief Galvez, nagpulong sa Camp Aguinaldo

Sinalubong ni Armed Forces (AFP) Chief of Staff Gen. Carlito Galvez Jr. si Moro Islamic Liberation Front (MILF) Chairman Al Haj Murad Ebrahim sa pagdating nito kaninang 10:30 ng umaga sa Camp Aguinaldo.

Matapos na ipakilala sa mga matataas na opisyal ng AFP na kasama sa reception line, nagkaroon ng isang group photo ang mga opisyal ng MILF at AFP sa harap ng General Headquarters, sa kauna-unahang pagbisita ng pinuno ng MILF sa kampo.

Kasunod ng arrival ceremonies, agad na tumuloy sa pribadong pulong si Galvez at Murad, kung saan kabilang sa tatalakayin ang napipintong plebisito kaugnay ng Bangsamoro Organic Law.

Ang pagbisita ni Murad sa Camp Aguinaldo ay bilang tugon sa paanyaya ni Galvez nang bumisita ito noong nakaraang buwan sa Camp Darapanan sa Maguindanao na itinuturing na Headquarters ng MILF.

Magugunitang sa naturang pagbisita ng AFP chief sa kampo ng MILF, sinelyuhan na ng dalawang puwersa ang deka-dekada nang digmaan sa pagitan nila, at sabay na idineklara na tapos na ang digmaan sa pagitan ng pamahalaan at MILF.  | ulat ni Leo Sarne