MIAA, pinaghahandaan na ang ‘new normal’ sa pagbabalik-operasyon ng paliparan

Puspusan na ang preparasyon ng Manila International Airport Authority (MIAA) bilang bahagi ng pagtalima sa guidelines ng Department of Transportation (DOTr) ukol sa implementasyon ng “new normal” sa international at domestic airports.

Kabilang sa aasahang pagbabago ng mga pasahero upang mapigilan ang pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19) sa mga paliparan ay ang regular na pagsusuot ng face mask sa airport premises.

Ayon kay MIAA General Manager Ed Monreal, bumili na ng mahigit 138,000 pieces ng surgical at washable face masks ang pamunuan para sa proteksyon ng kanilang mga personnel at nakipag-ugnayan sa Bureau of Quarantine para sa personal protective equipment na dapat gamitin.

Naglagay na rin ng 81 infrared thermometer guns na gagamitin sa mandatory body temperature check habang mahigpit na ipatutupad ang social distancing sa queuing points at one seat apart policy sa mga upuan.

Samantala, sinimulan na ang paglalagay ng acrylic barriers sa 330 check-in counters at help desks sa apat na terminal ng NAIA at naglagay ng yellow markings sa mga pilahan.

Dalawamput-apat na oras nang lilinisin at sasailalim sa disinfection ang comfort rooms, sisiguruhing sapat ang hand sanitizers at sabon, at magpapatupad ng “no contact” policy sa security procedures gaya ng X-ray machines, portable scanners at handheld metal detectors.

Bukod pa rito, lilimitahan ang pagpasok ng non-working personnel sa airport at lahat ng paalis at dumarating na pasahero ay oobligahin na mag fill-up ng health declaration at passenger locator forms para sa contact tracing.