Mga uniporme ng pulis, lalagyan ng serial numbers para hindi magamit ng mga kriminal

Pinag-aaralan ng Philippine National Police ang paglalagay ng serial numbers sa mga uniporme ng pulis upang maiwasang magamit ito ng mga kriminal sa pagpapanggap na mga pulis.

Ito’y kasunod ng naganap na enkwentro kahapon ng umaga sa Barangay San Nicolas, San Pablo, Laguna kung saan napatay ng PNP-AKG ang mga umano’y limang kidnappers na nakasuot ng mga uniporme ng pulis.

Ayon kay PNP Chief Dir. Gen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa, nakakadismaya ang kasalukuyang situwasyon na kahit sino na lang ay maaring bumili ng uniporme ng pulis, maging ang mga kriminal.

Paliwanag ni Dela Rosa, ayon sa batas, ang clothing allowance ng mga pulis ay ibinibigay sa kanilang mga tauhan ng cash at ang mga ito na ang bahalang bumili ng uniporme sa mga accredited private suppliers.

Sinabi naman ni Police Director Efren Perez ang hepe ng Directorate for Research and Development, na pinag-aaralan na nila ang kasalukuyang patakaran para ang PNP na lamang ang otorisadong magbenta o magdistribute ng mga uniporme.

Kinukunsidera din aniya nila ang paglalagay ng serial numbers sa mga uniporme upang ma-trace kung saan ito nabili at sino ang bumili. | via Leo Sarne