Mga tsuper ng pampublikong sasakyan na makikinabang sa fuel subsidy, dadaan sa masusing beripikasyon – DOE

Hindi lahat ng tsuper ng mga public utility vehicles (PUVs) ay makikinabang sa fuel subsidy ng pamahalaan.

Ito ang ginawang paglilinaw ni Energy Assistant Secretary Wimpy Fuentebella sa harap ng pagsisikap ng gobyerno na  matulungan ang mga PUV driver sa taas-babang galaw ng produktong petrolyo sa pandaigdigang pamilihan.

Sinabi ni  Fuentebella na nasa responsibilidad ng Department of Transportation (DOTr) partikular ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagtukoy kung sino ang mga dapat makatanggap at hindi ng fuel subsidy.

Nasa kanila daw kasi ang listahan ng mga drayber na lehitimo at hindi habang nasa balikat naman ng Department of Budget and Management (DBM) naman kung magkano ang ilalaang pondo para sa subsidiya ng mga pampublikong tsuper.

Sa kabilang dako naman ayon kay Fuentebella ay responsibilidad ng Department of Energy (DOE) ang pag-monitor sa retailers at suppliers habang ipinapatupad ang fuel subsidy. | ulat ni Alvin Baltazar